Nagsagawa ng online survey ang Department of Health (DOH) para alamin ang pulso ng mamamayan sa COVID-19 vaccine.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, 43,000 ang responder sa nasabing survey mula sa iba’t ibang antas ng lipunan.
Batay aniya sa nasabing survey, kabilang sa Top 3 na dahilan kung bakit hindi pa nagpapabakuna ang mamamayan ay dahil sa natatakot sila sa posibleng maging epekto nito sa katawan o adverse events.
Ang iba naman ay dahil sa mga naririnig nilang negatibong impormasyon patungkol sa bakuna.
Habang ang iba, iniisip na hindi epektibo ang bakuna.
Ayon kay Vergeire, ang resulta ng mga isinasagawa nilang survey ang ginagamit nilang batayan sa kanilang information dissemination.
Muli namang iginiit ni Vergeire na ligtas ang COVID-19 vaccines na ginagamit sa bansa.
Kung may naiulat man aniyang serious events o namatay matapos mabakunahan, ito ay hindi dahil sa bakuna, kung hindi dahil sa ibang sakit na mayroon sila.
Sa mahigit 5 milyon aniyang bakuna na kanila nang naiturok, 1.10% lamang ang nakaranas ng non-serious adverse events habang .014% naman ang nakaranas ng serious adverse events.