Nakakita na ng lugar ang Department of Health (DOH) na pwede nilang gawing pasilidad ng mga irerepatriate na mga pinoy crew at pasahero ng cruise ship na MV Diamond Princess na nagkaron ng kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Pero ayon kay Health Assistant Secretary Doctor Maria Rosario Vergeire, ayaw muna nilang pangunahan o isapubliko ang naturang lugar upang hindi maalarma ang lokal na pamahalaan gayundin ang mga residente nito.
Aniya, nais ng DOH na makipag-ugnayan ng maayos sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan para ipabatid ang kanilang plano.
Sinabi pa ni Vergeire na nagkaroon na sila ng pagpupulong kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) kung saan sinimulan na nilang suriin ang lugar na kanilang target.
Nabatid kasi na ayaw na nilang maulit ang naging problema noon sa lokal na pamahalaan ng Capas, Tarlac maging ng mga residente nito ng gawin nilang quarantine area ng mga OFW galing Wuhan, China ang New Clark City Athletes’ Village.
Sa ngayon, patuloy na inaasikaso ng DOH katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang proseso sa pagpapa-uwi sa mga pinoy na sakay ng naturang cruise ship kung saan plano nila na isang batch na lamang ang gagawin nilang repatriation.