Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang panukalang payagan ang mga indibidwal na bakunado na laban sa COVID-19 na huwag nang magsuot ng face mask.
Pero paglilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi lamang ang pagbabakuna ang tanging magiging batayan para payagan ang mga tao na huwag nang magsuot ng face mask.
Aniya, ikokokonsidera pa rin ng ahensya ang bilang ng COVID-19 cases at ang healthcare utilization rate.
Kasabay nito, iginiit ni Vergeire na hindi dapat ikumpara ang sitwasyon ng Pilipinas sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos kung saan inalis na ang mask mandate sa mga taong nabakunahan na kahit hindi pa rin naaabot ang herd immunity.
Ayon sa opisyal, may pailan-ilang lugar pa rin kasi sa bansa na tumataas ang kaso ng COVID-19.