DOH, suportado ang pagpapalawig ng MECQ sa NCR Plus

Suportado ni Health Secretary Francisco Duque III ang nais ng OCTA Research Team na palawigin pa ang ipinaiiral na Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) sa NCR Plus.

Pero sa interview ng RMN Manila kay Duque, nilinaw niyang nakadepende pa rin ang posisyon ng Department of Health (DOH) sa mga datos na kinakalap ng kanilang Technical Advisory Group.

Ayon pa kay Duque, anumang mapagkasunduan ng Technical Advisory Group ng DOH ay kanilang irerekomenda sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa ipapatupad na quarantine status sa NCR Plus at iba pang panig ng bansa.


Matatandaan na una nang inirekomenda ng OCTA Research na pahabain pa ang pagpapatupad ng MECQ sa Metro Manila at apat na katabing lalawigan para masiguro ang tuloy-tuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.

Bukod dito, nanawagan rin ang OCTA Research itaas sa 150,000 kada araw ang COVID-19 testing upang mas epektibong matukoy ang mga nagkakasakit at agad na mailayo sa ibang tao.

Sa pag-aaral na kanilang isinagawa, nararapat na itaas sa 75,000 ang testing sa National Capital Region (NCR) at 75,000 rin sa ibang panig ng bansa kung saan maaari naman ibaba ang bilang nito kung hindi na makikitaan ang NCR Plus ng surge ng mga bagong kaso.

Facebook Comments