DOH, tiniyak na walang kakapusan sa supply ng paracetamol at iba pang gamot para sa flu-like symptoms sa merkado; pag-iwas sa hoarding at panic-buying ng gamot, inapela!

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na walang kakulangan sa supply ng paracetamol at iba pang gamot sa para sa flu-like symptoms sa merkado.

Kasunod na rin ito ng report na mataas ang demand at wala nang mabiling paracetamol sa mga drugstore partikular sa Metro Manila.

Sa inilabas na pahayag ng DOH, sinabi nito na kinonsulta na nila ang malalaking drugstore at local manufacturers at suppliers ukol sa suplay ng produkto.


Sinabi pa ng DOH na maraming generic alternatives ang paracetamol sa merkado, na maaring mabili sa mga drugstore sa bansa.

Siniguro ng kagawaran na tinututukan nila ang suplay ng critical medicines para sa COVID-19, kasama ang supportive medicines para sa symptomatic treatment.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na nakikipag-ugnayan na ang DOH sa lahat ng ahensya ng gobyerno, tulad ng Food and Drug Administration at Department of Trade and Industry, upang masiguro ang health products para sa pagresponde sa gitna ng pandemya.

Apela ni Duque sa publiko, iwasan ang hoarding, panic-buying o pagbili ng gamot kung hindi naman kinakailangan.

Facebook Comments