DOH, tiwala pa din sa ginagawang trabaho ng BOQ

Tiwala pa din si Health Secretary Francisco Duque III na maayos na ginagawa ng Bureau of Quarantine (BOQ) ang trabaho nito  sa gitna ng kontrobersiya hinggil sa 2019 Novel Coronavirus (N-CoV).

Ayon kay Duque, may mga hakbang ang BOQ upang mamonitor at hindi makalusot ang mga taong pumapasok sa bansa, lalo na ang mga nakikitaan ng sintomas o may sakit.

Sinabi pa ni Duque na may protocol at guidelines na sinusunod ang BOQ at Kabilang na rito ang contact tracing measures, na ipinatupad sa apat na kaanak ng isang Chinese na taga-Wuhan at sinasabing nagpositibo sa 2019 N-CoV.


Ang naturang pamilyang Chinese ay nauna nang dumating sa Pilipinas noong January 22, habang ang kaanak na may sakit ay naiwan sa Hong Kong.

Dagdag pa ng kalihim, nang makarating sa kanya ang impormasyon ay agad na umaksyon ang BOQ kung saan Malaking tulong din aniya ang Department of Justice-Bureau of Immigration upang ma-track down o matunton ang mga Chinese.

Muli namang payo ni Duque sa publiko, may mga paraan para maiwasan ang mga sakit, tulad ng tamang paghuhugas ng kamay, lumayo o takpan ang bibig tuwing uubo at ilong kapag babahing, at magpakonsulta sa doktor kapag nakaramdam ng sintomas ng ubo at sipon.

Facebook Comments