Bumuo ang Department of Justice (DOJ) ng bagong panel of prosecutors na mag-iimbestiga sa inihaing reklamo ng National Bureau of Investigaion (NBI) laban sa Kapa Community Ministry International Inc. (Kapa) kaugnay ng umano’y investment scam.
Sa Office Order No. 1458 na inilabas ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, pinangalanan ang limang prosecutors na hahawak sa kasong estafa na isinampa ng NBI laban sa founder ng Kapa na si Pastor Joel Apolinario at 13 iba pang opisyal ng grupo.
Si Assistant State Prosecutor (ASP) Ma. Lourdes Uy ang tatayong chair ng panel na binubuo ng apat pang miyembro na sina ASP Consuelo Corazon Pazzluagan, Xerxes Garcia, Jeanette Dacpano at Assistant Prosecution Attorney Luis Miguel Flores.
Sa order, inatasan din ni Malcontento ang panel na isumite ang mga kaso sa korte matapos ang paunang imbestigasyon.
Naghain ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1689 at Republic Act 8799 o Securities and Regulation Code (SRC) ang NBI laban sa mga opisyal ng Kapa, Hulyo 7.
Bukod kay Apolinario, pinangalanan din sa isinumiteng complaint-affidavit sina Kapa corporate secretary Reyna Apolinario; treasurer Modie Dagala; directors Benigno Tipan Jr., Marnilyn Maturan, Ricky Taer, at Margie Danao; at mga incorporator Nonita Urbano, Junnie Apolinario, Nelio Nino, Maria Pella Sevilla, Jouelyn Del Castillo, Cristobal Barabad, at Joji Jusay.