DOJ, inihayag na wala pang natatanggap na kumpirmasyon na may presensiya ng ICC sa bansa

Iginiit ng Department of Justice (DOJ) na walang legal na tungkulin ang Pilipinas na sumunod sa International Criminal Court (ICC) sa gitna ng balitang nasa Pilipinas na ang ICC investigators para sa imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Nilinaw ng DOJ na wala pa silang natatanggap na opisyal na impormasyon o kumpirmasyon na may presensya na ng ICC sa Pilipinas, gayundin na wala pang advisory mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng pagpasok sa bansa ng ICC.

Ayon sa DOJ, kailangan muna ng consent at approval mula sa kanila, gayudin sa DFA at Department of the Interior and Local Government (DILG), bago payagan ang sino mang dayuhan o international bodies gaya ng ICC, bago payagang makapagsagawa ng opisyal na aktibidad sa bansa.


Binigyang diin din ng kagawaran na napatunayan na ng pamahalaan na kaya at handa nitong imbestigahan ang anumang kasong krimen na nangyari sa loob ng bansa, at hindi na kailangan pa ng pakikialam ng ibang bansa, dahil matatag at pangil naman ang justice system ng Pilipinas.

Pahayag pa ng DOJ, walang dapat ikabahala ang publiko dahil gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa at sinisikap ng pamahalaan na maprotektahan ang karapatan ng mga biktima at bawat Pilipino.

Facebook Comments