
Para hindi na magsisihan ang mga piskal at law enforcement agencies tuwing pumapalpak ang isang kaso, inilunsad ng Department of Justice o DOJ katuwang ang Department of the Interior and Local Government o DILG ang training at educational program para sa mga to.
Ang naturang pagsasanay ay bahagi ng DOJ Department Circular No. 20 kung saan tungkulin ng government prosecutors na magkaroon ng aktibong papel sa imbestigasyon ng mga kaso para masigurong mahahatulan ito sa korte.
Ayon kay DOJ Secretary Crispin Remulla, paraan ito upang mas mapaigting pa ang pagtutulungan ng pulis at piskal upang maging maayos ang proseso ng paghuhuli hanggang sa pagsasampa ng kaso.
Sinabi naman ni DOJ Asec. Mico Clavano na nasa 1,800 law enforcers at prosecutors ang isinailalim na sa pagsasanay para aa naturang programa.
Bukod kay DOJ Sec. Remulla, dumalo rin sa training and educational program sina NBI Director Jaime Santiago, PNP Chief General Nicolas Torre III, DILG Sec. Jonvic Remulla at mga opisyal ng Philippine Coast Guard at PDEA.









