Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na may pumasok sa bansa noong Setyembre 30 na Korean national na pinaniniwalaang drug lord na iniuugnay sa mga ninja cops partikular sa isinagawang raid sa Pampanga noong 2013.
Ayon kay DOJ Usec. Markk Perete, ang Korean national ay kinilalang si Kim Yu Seok.
Mula raw noong dumating ito sa bansa ay hindi na ulit bumiyahe palabas ng Pilipinas.
Pero hindi pa makumpirma ng DOJ kung ang naturang dayuhan ay ang drug lord na si Johnson Lee, na target ng police drug raid sa Pampanga noong 2013.
Sinasabing pinatakas ng mga pulis si Lee saka sila nagprisinta ng ibang suspek.
Nabuhay ang kontrobersiya sa mga ninja cops sa pagdinig ng Senado sa isyu ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Sinasabing nakarekober noon ang mga pulis Pampanga ng 200 kilo ng shabu pero 38 kilo lang ang isinuko sa mga otoridad.