May paglilinaw ang Department of Justice (DOJ) kaugnay sa inaprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte na rekomendasyon ng Task Force PhilHealth laban mga sangkot sa katiwalian sa nasabing tanggapan.
Ayon kay Justice Undersecretary at Spokesman Markk Perete, ang aprubado ng Presidente ay ang paghahain ng reklamo laban sa mga key officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ay taliwas sa naunang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga opisyal ng PhilHealth.
Sa ilalim ng proseso, kapag nagsampa ng kaso ay sasalang na ito sa pagdinig ng korte, pero kung naghain pa lamang ng reklamo, ito ay sasailalim pa sa preliminary investigation ng prosecutor.
Ayon kay Perete, maaaring maihain ang mga reklamo sa Office of the Ombudsman para sa administrative o criminal complaints.
Kapag criminal complaints naman aniya ay sa piskalya isasampa ang kaso partikular laban sa nagbitiw na PhilHealth President at CEO Ricardo Morales at iba pang dawit sa isyu.
Tiniyak naman ni Perete na sa oras na maisapinal ang mga reklamo at makumpleto na ang supporting documents ay maisasampa na ang charges, pero sa ngayon ay hindi pa maisasapubliko ang full report sa imbestigasyon dahil nagpapatuloy pa ang pagsisiyasat dito.
Pero tiniyak ni Perete na maglalabas sila ng pormal na pahayag kaugnay dito.