Nanindigan ang gobyerno ng Pilipinas na hindi ito tutugon sa hinihingi ng International Criminal Court (ICC) na komento kaugnay sa hirit nito na maimbestigahan muli ang mga kaso ng drug war killings sa bansa.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas at gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa.
Gayunman, bilang pagrespeto aniya sa ICC ay ipapaabot ng Pilipinas sa ICC sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General ang mga hakbang ng bansa para resolbahin ang drug war cases.
Sinabi ni Remulla na isinumite na ng Department of Justice (DOJ) kay Solicitor General Menardo Guevarra ang case records na hawak nila sa drug war.
Una nang binigyan ng ICC ang Pilipinas ng hanggang September 8 para magbigay ng obserbasyon sa drug war probe.