DOJ, nilinaw na wala pang napipiling papalit kay resigned PhilHealth Chief Ricardo Morales

Naghahanap pa lamang ang pamahalaan ng papalit sa nagbitiw na pinuno ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na si Ricardo Morales.

Bukod kay Morales, naghain din ng kaniyang resignation si PhilHealth Senior Vice President for Legal Sector Rodolfo Del Rosario, na isa sa mga sinuspinde ng Ombudsman sa loob ng anim na buwan.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, pinuno ng Task Force PhilHealth na nag-iimbestiga sa mga anomalya sa ahensya, kailangang may mahanap agad na karapat-dapat sa posisyon.


Ang pagbibitiw ng dalawang opisyal ng PhilHealth ay mapapadali ang imbestigasyong isinasagawa ng Task Force.

Sinabi ni Guevarra, ang Task Force ay walang awtoridad para mabigay ng rekomendasyon sa kung sino ang ipapalit sa mga nagbitiw na opisyal.

Sa halip, inirekomenda ng Task Force kay Pangulong Rodrigo Duterte na ang Government Commission for Government Owned and Controlled Corporations (GCG) na nasa ilalim ng Office of the President ang atasan para pag-aralan ang posibleng re-organization sa PhilHealth at pagbuo ng interim management committee.

Facebook Comments