
Itinanggi ng Department of Justice na nasa kustodiya na nila sa ngayon si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, pag-uusapan pa nina Justice Secretary Fredderick Vida at Prosecutor General Richard Fadullon ang detalye ng paglilipat ng kustodiya sa dating opisyal ng DPWH.
Kailangan din aniya munang magsumite ng pormal na request ang Justice Department sa Senado kaugnay ng naturang hakbang.
Sa isang ambush interview ngayong hapon, sinabi ni Secretary Vida na target nilang mailipat sa kustodiya ng DOJ si Alcantara sa loob ng linggong ito.
Gayunman, tumanggi ang kalihim na ilahad kung saan dadalhin si Alcantara, dahil na rin sa security considerations.
Kukunin ng Justice Department ang kustodiya kay Alcantara matapos siyang mapasama sa Witness Protection Program, kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa mga maanomalyang flood control projects.










