Nakipagpulong si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla kay United Kingdom (UK) Ambassador Laure Beaufils.
Natalakay ng dalawa ang iba’t ibang isyu, kabilang na ang pagpapatuloy ng United Nations Joint Programme for Human Rights sa Pilipinas.
Inihayag ng DOJ na kabilang pa sa mga tinalakay nina Remulla at Beaufils ay ang pagpapabuti sa witness protection program ng DOJ upang madagdagan ang convictions sa korte.
Pinag-usapan din ng dalawa ang prosekusyon ng law enforcers na sangkot sa mga pagpatay sa war on drugs ng pamahalaan.
Gayundin, tinalakay nila ang pagpapaluwag sa mga kulungan sa bansa, pag-digitize ng mga record ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ng Bureau of Corrections (BuCor) sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Matatandaan na pinalaya ng BJMP nitong Hulyo ang mahigit 15,000 persons deprived of liberty dahil sa overcrowded na mga selda sa ilang bahagi ng bansa.