DOJ, tiniyak na naaaksyunan ang mga kaso ng EJKs

Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na gumagana ang mga institusyon at mekanismo ng pamahalaan upang matugunan ang mga kaso ng Extra-Judicial Killings (EJK) sa bansa.

Sinabi ni Justice Undersecretary Jesse Andres na ito ay taliwas sa pananaw ng International Criminal Court (ICC).

Iginiit din ni Andres na batay sa mga datos ay mahusay na naaaksyunan ng iba’t ibang institusyon at ahensya ng gobyerno ng bansa ang lahat ng mga kaso gaya ng EJK na nakasampa sa mga korte.


Nagagampanan aniya ng piskalya, DOJ, law enforcement agencies, at mga hukuman ang trabaho nito para mapanagot ang mga salarin sa EJK.

Katunayan aniya ay may nahatulan na ang ilang korte sa bansa na uniformed personnel.

Ang pinakahuli aniya sa mga nahatulang guilty sa mga kasong murder ang 18 unipormadong alagad ng batas.

Facebook Comments