ILLINOIS, USA – Isang doktor na nagkitil ng sariling buhay ang nag-iwan ng suicide note na naglalaman ng kanya umanong panloloko sa mga hinawakang medical records, partikular na ang pekeng pagbabakuna sa mga bata.
Sa report ng Chicago Tribune, nakasaad sa iniwang sulat ng pediatrician na si Dr. Van Koinis, 58, na labis daw ang kanyang pagsisisi sa panloloko ng mga dokumento para masabing nabakunahan niya ang mga bata ayon sa kahilingan ng mga magulang nito.
Sabi ni Cook Country Sheriff Tom Dart, dahil sa natuklasan ay hindi raw malabong takbuhan si Koinis ng mga magulang na ayaw pabakunahan ang mga anak ngunit kailangan ng katunayan para lang makapasok sa eskwela, bilang isa ito sa mga kinakailangang ipasa sa mga paaralan.
“He was well known for being someone who was into homeopathic medicine, and from what we have determined, it was well known that people opposed to vaccination could go to him,” aniya.
Bagaman hindi malinaw kung ilang bata na ang naapektuhan ng naturang panloloko, nakasaad din umano na dinoktor niya lang ang ilang records at pekeng dokumento ang ipinamamahagi niya sa mga nabakunahan sa loob ng 10 taon.
Sabi ni Dart, napakaikling pahayag lamang ang iniwan ng doktor.
“It was a note where he expressed a lot of regret and the note was solely driven at the fact that he did things he regretted as far as the vaccinations … He was incredibly regretful for what he did and it was the only thing he mentioned in the suicide note. It was this and only this,” saad niya.
Si Koinis ay kilalang pediatrician sa Illinois noon pang 1991 ayon sa tala ng lugar.
Kaugnay nito, walang naisampang kaso laban sa ginawang krimen ng doktor ngunit patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad.
Samantala, Setyembre nakaraang taon nang matagpuan si Koinis na may tama ng baril at wala ng buhay.