Doktor sa Bataan rehab center, nakiusap na huwag husgahan si Jiro Manio

Photo from Jiro Manio FB fanpage

“Let us not judge, Jiro.”

Ito ang naging panawagan ni Dr. Elizabeth Pizarro-Serrano, chief ng isang rehabilitation facility sa Bataan kung saan ginamot ang dating child actor.

Kasunod ito ng balitang nahaharap sa kasong frustrated homicode si Manio matapos ang umano’y pananaksak sa isang lalaki sa Marikina.


Sa isang Facebook post, sinabi ni Serrano na huwag basta husgahan ang dating aktor dahil may ibang bersyon lagi ng storya.

“There are different versions of the story. May nagsabing napagkatuwaan siya ng isang grupo while he was on his way home from work and was hit by a helmet,” saad niya.

Ipinagtanggol din ng doktor ang balitang bumalik sa paggamit ng marijuana si Manio habang nagpapagaling sa rehab.

Matatandaang ito rin ang sinabing dahilan ni Comedy Queen Ai-Ai delas Alas kung bakit itinigil niya ang pagtulong kay Manio.

(BASAHIN: Ai-Ai delas Alas sa pagtulong noon kay Jiro Manio: ‘Nawalan na ako ng pag-asa’)

“I would like to correct the information. After one year of in-house drug rehabilitation, Jiro ‘worked’ in the center and was very effective in his task helping in the advocacy activities,” kuwento ni Serrano.

“Marami s’yang na-inspire na mga kabataan whenever he gives his testimony. However, after more than a year, he decided na umuwi na sa pamilya n’ya to start anew and maybe try showbiz again or whatever na pwede n’yang gawin,” pagpapatuloy niya.

Makalipas ang ilang buwan, saka na raw pumutok ang “tsismis” na bumalik sa pagdo-droga si Manio na iginiit niya hindi napatunayan.

Nakiusap pa umano sila sa mga taong malalapit sa dating aktor na isailalim sa drug test upang masigurado at maagapan pa.

Nabanggit din ng doktor na paminsan-minsang nangangamusta sa kanila si Manio at nagkukuwento ng mga dumadating na oportunidad gaya ng pag-iisip niyang bumalik sa show business.

Noong Setyembre nakaraang taon, dumalaw raw si Manio sa rehab upang sorpresahin se Serrano sa kanyang kaarawan, kasabay ang patunay na negative ang kanyang drug test.

“Jiro might be confused kung ano ba ang gagawin n’ya but he was trying. Kung ano man ang nangyari, tulungan natin s’ya through our prayers,” apela ng doktor.

“Let us not judge Jiro. Madaming Jiro sa paligid natin na nangangailangan ng kalinga. Sana bigyan natin sila ng chance,” aniya.

Facebook Comments