WUHAN, China – Nasawi sa ospital ang isang doktor na isa sa mga nagbibigay-lunas sa mga pasyenteng may coronavirus sa Wuhan.
Nitong Enero 25, Sabado ng umaga, binawian ng buhay si Liang Wudong, 62 nang mahawaan umano ng naturang sakit.
Ayon sa ulat, nagsimulang makaramdam ng sakit si Wudong noong nakaraang Linggo kaya agad siyang inilipat sa Wuhan Medical Treatment Center, kilala rin bilang Jinyintan Hospital.
Samantala, kinilala naman si Wudong bilang isang bayani dahil isa siya sa mga nangunguna para sugpuin ang naturang sakit sa China.
Ang coronavirus, ay naiulat na nakakitil na sa hindi bababa 41 katao, at kumalat na sa nasa 1,355 mga pasyente.
Kasalukuyan na ring kumakalat ngayon sa Wuhan, central China, at maging sa US at Australia ay may kaso na rin ng coronavirus.
Ayon sa China’s National Health Commission, anim na grupo ng 1,230 medical staff ang naipadala na sa Wuhan para sugpuin ang kumakalat na virus.
Pinaplano na ring magtayo ng bagong ospital ang gobyerno ng Wuhan para mas mapabilis ang pagpigil sa mabilis na pagkalat ng sakit.