Inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bubuo na sila ng task force na tatanggap ng mga reklamo laban sa kanilang mga opisyal at empleyado.
Ito ay bilang tugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang problema ng korapsiyon sa mga ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Labor Undersecretary Benjo Benavidez, ipinag-utos na ni Secretary Silvestre Bello III na bumuo ng task force na layong tumanggap ng reklamong ihahain laban sa mga opisyal at empleyado ng DOLE.
Bukod dito, maaari din aniya na idulog sa kanila ang mga reklamo ukol sa iba pang organisasyon na posibleng kasabwat ng ilang tauhan ng kagawaran.
Dagdag pa ng kalihim, ang gagawing task force ay pangungunahan ng dalawang undersecretaries at kinatawan mula sa pinakamalalaking attached agencies ng kanilang kagawaran.
Ito ay ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at National Labor Relations Commission (NLRC).