Humirit ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng dagdag na pondo para maipagpatuloy ang pamamahagi ng cash assistance sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng pandemya.
Ito ay matapos itigil na ng DOLE noong Enero 14, 2022 ang pagtanggap ng mga bagong AKAP application ng mga OFW na nawalan ng kabuhayan dahil sa COVID-19.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, hindi pa nila masiguro kung muli silang tatanggap ng mga bagong aplikasyon dahil nakadepende ito sa magiging tugon ng Department of Budget and Management (DBM) sa hinihiling nilang additional fund.
Aniya, ang pinagtutuunan nila ngayon ng pansin ay ang pamamahagi ng financial aid sa mga pending AKAP application na naisumite sa kanila bago ang Enero 14.
Samantala, tinatayang nasa 50,000 ang OFWs na naapektuhan ng pandemya ang nabigyan na ng cash assistance sa ilalim ng AKAP Program ng DOLE.