Kinumpirma ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III na tuloy na ang implementasyon ng TUPAD Program sa Quezon City District 5.
Ayon kay Bello, wala kasing complainant na lumantad para magbigay ng ebidensya na magpapatunay na sangkot si Cong. Alfred Vargas sa anomalya sa proyekto.
Bunga nito, binawi na aniya ng DOLE ang suspension order sa pagpapatupad ng programa sa District 5 ng lungsod.
Nilinaw ni Bello na ang nananatiling suspendido ay ang pagpapatupad ng TUPAD Program sa District 2 ng Quezon City dahil sa marami ang lumantad na complainants at malaking halaga ng pera ang sangkot sa katiwalian.
Una nang kinumpirma ni DOLE Director at Spokesman Rolly Francia na nagpapatuloy ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga lokal na opisyal ng Quezon City District 2.
Sa ilalim ng TUPAD Program, ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ay binibigyan ng DOLE ng emergency employment tulad ng minimum period na 10 araw na trabaho at maximum na 30 araw at may sweldong ₱535 kada araw.