DOLE, kumpiyansang malalagdaan na ang Bilateral Labor Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Moscow

Kampante ang Department of Labor and Employment (DOLE) na malapit nang maisapinal at lagdaan ng Pilipinas at Moscow ang Bilateral Labor Agreement.

Ito ay ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, alinsunod sa pangako na mabigyan ng proteksyon at suporta ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa nasabing bansa.

Lalo na at nakitaan pa ng DOLE, na patuloy na tumataas ang demand ng mga manggagawa sa nasabing bansa.


Base sa ulat ng Philippine Overseas Labor Office sa Berlin, Germany, sinabi ni Bello, na parehong interesado ang dalawang bansa na lagdaan ang kasunduan sa gitna ng burgeoning requirement para sa skilled at semi-skilled workers sa Russia.

Sa katunayan, inamyendahan ng Moscow ang isang batas na may kaugnayan sa employment ng local skilled workers upang ma-accommodate ang mga foreign worker.

Setyembre noong nakaraang taon, nang ipag-utos ni Bello sa labor office ng DOLE sa Berlin, na palawakin ang mga serbisyo nito upang masakop ang mga OFW sa Russia at aktibong ituloy ang Bilateral Labor Agreement.

Kaugnay nito, may 1,000 OFWs sa Russia, na karamihan ay female household service workers ang nagparehistro na para maging miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Facebook Comments