Manila, Philippines – Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa tamang pay rules ng mga employer sa kanilang mga empleyado kasunod ng ika-33 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong araw.
Base sa umiiral na Labor Advisory no. 3, sinabi ng DOLE na kung hindi nagtrabaho ang empleyado, magiging epektibo ang ‘no work, no pay’ principle depende sa polisiya ng kumpanya.
Para naman sa mga magtatrabaho sa special non-working day, dapat makatanggap ang bawat empleyado ng karagdagang 30 porsyento ng kanilang daily rate sa unang walong oras ng trabaho.
Samantala, makatatanggap ng dagdag na 30 porsyento sa hourly rate ang mga empleyadong nagtrabaho nang lagpas sa walong oras.
Kapag tumapat naman sa rest day o day off pero pumasok ang empleyado, babayaran ito ng karagdagang 50 porsyento ng kaniyang daily rate.
Kung humigit pa sa walong oras ang duty ay mayroon pa itong 30 porsyento na hourly rate.