Manila, Philippines – Inatasan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang International Labor Affairs Bureau na bantayan ang sitwasyon at ipaalam sa kanya ang lagay ng mga OFW sa Guam.
Ang kautusan ay ginawa ni Bello matapos ang konsultasyon kasama ang DFA kung saan walang inilabas na travel restriction sa mga manggagawang Filipino pero pinayuhan ang mga OFW na mag-ingat sa kanilang pananatili sa Guam.
Matatandaan na inilagay ng DFA ang Guam sa ilalim ng Crisis Level 1, Precautionary Phase, dahil sa pagbabanta ng Peoples Democratic Republic of Korea na magpapasabog sila ng nuclear missile laban sa Guam.
Pinayuhan din ng kalihim ang mga OFWs na imonitor ang balita mula sa mga pinagkakatiwalaang media at sa mga opisyal at lehitimo na pahayag mula sa pamahalaan ng Guam at sa iba pang awtoridad ng Amerika gayundin mula sa Philippine Consulate General.
Paliwanag ni Bello, nakahanda na rin umano ang contingency plan pati na ang pagpapauwi sa mga OFW kung kinakailangan, sakaling hindi na magiging ligtas ang mga Filipino sa Guam.