Iginiit ng Department of Labor and Employment (DOLE) na obligado ang mga employer na magbigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.
Ito ay makaraang sabihin ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na aabot sa tatlong milyong manggagawa mula sa micro businesses ang posibleng hindi makatanggap ng 13th month pay ngayong taon.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nauunawaan niyang hirap na hirap na ang mga negosyante dahil sa pandemya.
Aniya, may mga cash loan program naman ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga maliliit na kompanya.
“Nandyan ang batas nagsasabi na on or before December 24 e mabigyan, walang excuse, walang exemption,” saad ni Bello.
“Naiintindihan natin ang pangangailangan ng mga manggagawa, naiintindihan din natin yung sitwasyon ng mga employer kaya sabi ko nga, mag-usap kayo pano… halimbawa, sabihin ng employees, ‘oh sige, kahit kalahati lang muna, next year na yung kalahati’ pwede,” dagdag ng kalihim.
Pero tingin ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, mahihirapang makautang ang mga negosyo kung mananatili silang sarado.
“Totoo ‘yan, pero ang problema, kung sarado yung mga negosyo nila e pano naman yan no?” ani Concepcion.
“Well, may mga programa ng DTI ‘no, nagpapautang sila sa maliliit na negosyante pero alam naman natin na ‘pag sarado sino ang magpapautang sayo? Alam nila, magpapautang sila e baka hindi sila mabayaran. Kaya ang solusyon talaga dito, luwagan na,” dagdag niya.