DOLE, OWWA at DOH, binigyan ni Pangulong Duterte ng isang linggo para mapauwi ang 24,000 OFW na naghihintay ng kanilang COVID-19 test result

Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang linggong palugit ang Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Health (DOH) para mapauwi ang nasa 24,000 Overseas Filipino Workers (OFW) na naghihintay ng resulta ng kanilang COVID-19 test.

Nabatid na natapos na ng mga OFW ang 14-day mandatory quarantine sa mga nasa Metro Manila pero hindi pa rin sila makauwi dahil sa mabagal na paglalabas ng kanilang test results.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, inatasan na ng Pangulo ang tatlong ahensya na gamitin ang lahat ng resources nito para masigurong makakauwi ang mga OFW sa loob ng isang linggo.


Aniya, hindi katanggap-tanggap sa Pangulo ang matagal na proseso na naka-quarantine ang mga OFW.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi dapat nakararanas ng mas maraming hirap sa Pilipinas ang mga OFW na nagtatrabaho sa abroad.

Facebook Comments