Dosenang ipis, namahay sa tainga ng isang lalaki

PHOTO: AsiaWire

Ikinagulat ng mga doktor sa China nang madiskubre sa tainga ng isang pasyente ang pamilya ng ipis.

Inireklamo ng pasyenteng kinilalang si “Mr. Lv”, 24-anyos ang matinding pananakit ng kanyang kanang tainga noong nakaraang buwan sa Sanhe Hospital sa Guangdong.

Bago magpakonsulta sa doktor, pinailawan ni Lv sa mga kaanak ang loob ng kanyang tainga at nakita ang anila’y tila malaking insekto.


Nakumpirma ni Dr. Zhong Yijin ang hinala ng pasyente nang madiskubre ang mga bagong pisang ipis, at ang ina ng mga ito.

“I discovered more than 10 cockroach babies inside. They were already running around,” ani Dr. Yijin sa AsiaWire.

Sa pahayag ng Sanhe Hospital sa media, ugali umano ng pasyente na mag-iwan ng pagkain sa higaan habang natutulog.

Maaari umanong ginawang biglaang incubation chamber ng nanginginaing ipis ang tainga ni Lv.

Nailabas ng mga doktor ang nanay na ipis at mga anak nito nang paisa-isa gamit ang tiyani.

Hindi naman malinaw kung gaano katagal nang namamahay ang pamilya ng ipis sa tainga ng pasyente.

Masuwerte namang kakaunti lamang ang tinamong sugat ni Lv na lumabas din ng ospital sa parehong araw.

Paalala ng ospital, panatilihin ang kalinisan sa katawan at sa paligid.

Facebook Comments