Makikipagpulong na ang Department of Science and Technology (DOST) sa mga kinatawan ng Russia na nakadiskubre ng kauna-unahang bakuna kontra sa COVID-19.
Sa virtual press briefing ng DOH, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na may naka-schedule nang meeting ang kanilang sub-technical working group kung saan DOST ang lead agency para dito.
Sinabi ni Usec. Vergeire na pa-plantsahin sa naturang pagpupulong ang gagawing clinical trial sa bansa ng nadiskubreng bakuna ng Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology sa Moscow.
Ayon kay Usec. Vergeire, ang bakuna ng Russia ay nasa phase 3 na ng clinical trial at idadaan din ito sa ethics board at magkakaroon din ng pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA).
Bukod dito, magkakaroon din ng inclusion at exclusion criteria sa naturang bakuna ng Russia.
Noong nakaraang linggo ay nagkaroon na rin aniya ng meeting ang sub-technical working group kung saan inilatag dito ang iba’t ibang klase ng bakuna na nasa stage 3 na ng trial sa iba’t ibang parte ng mundo.
Ayon kay Usec. Vergeire, mayroon nang vaccine experts panel ang pamahalaan na magbibigay ng rekomendasyon sa national government kung ano ang mas ligtas na bakuna at ano ang magiging epekto nito sa publiko.