Batay sa pahayag ng naturang ahensya sa pamamagitan ni Regional Director Fanibeth Domingo, inirekomenda nito sa mga barangay officials at sa mga sektor ng turismo na pagbutihin at pagandahin pa ang mga daanan patungo sa mga pasyalan upang sa ganon ay maging komportable ang mga turistang pupunta sa lugar.
Ayon sa Regional Director, ilan kasi sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon dos ay hindi iniimplimenta ang mga nasabing requirement na dapat ay may tamang direksyon at maluwag na daanan ang mga turista para maiwasan na rin ang kanilang kumpulan.
Bukod dito, dapat ay naipatutupad pa rin ng bawat tourism site ang health and safety protocols upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.
Inihalimbawa ni RD Domingo ang probinsya ng Batanes na kinagigiliwan at patok sa mga turista dahil bukod sa mga naggagandahang isla ay maganda at nakakarelax din ang mga nakikita sa gilid ng daan.
Sa muling pagbubukas ng turismo sa rehiyon dos, nananawagan din ang naturang ahensya sa bawat tourism office na panatilihing maayos at malinis ang Comfort rooms sa mga tourist destinations, nasa tamang bayad ng serbisyo para sa mga DOT- accredited frontliners at tour guides at naoobserbahan ang minimum public health standards.
Samantala, inirekomenda ni DOT RD Domingo sa mga nasa sektor ng turismo na ialok din sa mga turista ang mga produkto sa lokalidad para matulungan ang ekonomiya sa lugar at makilala rin ng ibang tao ang mga ipinagmamalaking local dishes ng probinsya.
Ang Lambak ng Cagayan ay binubuo ng limang Lalawigan na kinabibilangan ng Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya at Batanes na kung saan ay kumpleto sa mga ‘tourist attractions’ gaya ng forest, mountains, caves, waterfalls, rivers, farm and food, simbahan at mga naggagandahang beach.
Mayroon din Paragliding, Wakeboarding, Motocross at game fishing na tiyak na magugustuhan ng mga turista.