50-Anyos na Lalaki, Kulong sa Panghahalay umano sa 4-Anyos na Batang Babae

Cauayan City, Isabela- Agad na dinakip ng mga otoridad ang 50 taong gulang na lalaki matapos itong ireklamo sa umano’y pananamantala sa isang apat na taong gulang na batang babae sa Brgy. Salinungan East, San Mateo, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Joey Agustin, 50 taong gulang, walang trabaho at residente rin sa nabanggit na barangay.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Abdel Aziz Maximo, hepe ng San Mateo Police Station, bandang alas 3:00 ng madaling araw sa parehong araw, habang natutulog ang biktima kasama ang mga magulang ay pumasok sa loob ng bahay ang suspek at dahan-dahang binuhat palabas ng bahay ang biktima.

Nang magising ang ina ay nalaman nitong nawawala na ang kanyang apat na taong gulang na anak kaya’t agad nila itong hinanap.

Makalipas ang ilang oras, nakita ang biktima na naglalakad itong mag-isa sa kalsada na nasa 100 metro ang layo mula sa kanilang bahay at wala na rin ang kanyang pang-ibabang saplot.

Agad na dumulog sa himpilan ng pulisya ang nanay ng biktima kaya agad namang ikinasa ang hot pursuit operation ng kapulisan na nagresulta naman sa pagkakaaresto ng suspek na nasa kahabaan ng boundary ng Brgy Salinungan East at Brgy Gaddanan ng naturang bayan.

Samantala, nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang isang unit ng Caliber 38 na baril na may kasamang apat (4) na bala at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang dried marijuana.

Kasalukuyan nang nakapiit sa himpilan ng pulisya ang suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso tulad ng Forcible Abduction with Rape, paglabag sa R.A 10591 at paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments