Hinihingi ng Department of Tourism (DOT) ang tulong ng Department of Health (DOH) para sa muling pagbubukas ng turismo sa bansa.
Sa budget hearing ng ahensya sa Kamara, hiniling ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang tulong ng DOH para makapagbukas ng mga COVID-19 testing laboratories sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.
Ayon kay Puyat, ipinaabot sa kanila ng mga Local Government Units (LGUs) na magbubukas lamang sila para sa turismo kung magkakaroon ng mga testing centers sa kanilang lugar.
Dagdag pa ng kalihim, batid naman ng lahat ng domestic travel destinations na backbone na maituturing sa ekonomiya ang turismo at humihiling lang ng COVID laboratories at testing upang ma-accommodate at matiyak ang kaligtasan ng mga turista.
Sa budget presentation ng DOT sa Kamara, tinukoy ng ahensya na 12.7% ang ambag ng turismo sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa habang 13.5% naman sa employment sector ang bahagi ng tourism industry.