Inihayag ngayon ni Transportation Secretary Arthur Tugade na isasalang sa imbestigasyon ang mga na-relieved na mga opisyal.
Ito ay matapos na alisin sa tungkulin ang mga station commander ng Philippine Coast Guard (PCG) at Regional Director ng Maritime Industry Authority o Marina sa Western Visayas nang mangyari ang trahedya sa karagatan sakop ng Iloilo, Guimaras.
Ayon kay Secretary Tugade, layon aniya nito na mabigyang-daan ang impartial investigation na isasagawa sa naganap na trahedya sa karagatan ng Iloilo, Guimaras kung saan namatay ang tinatayang 30 katao.
Paliwanag ng kalihim, sa sandaling matapos ang imbestigasyon at mapatunayang nagpabaya sa tungkulin ang mga nasabing opisyal, sila ay ipaghaharap ng kaso.
Ininspeksiyon ni Tugade ang port facilities sa Guimaras kasama sina PCG Commandant Admiral Elson Hermogino at Marina OIC Administrator Narciso Vingson Jr., nakiramay din ang tatlong opisyal sa pamilya ng mga biktima nang trahedya.
Nangako si Tugade na tutulungan ang mga naulila ng mga namatay sa trahedya gaya ng posibleng employment sa Marina, PCG at sa Philippine Ports Authority (PPA) upang iparamdam sa pamilya ang pagmamalasakit ng gobyerno.