Inatasan ng Department of Transportation ang CAAP, at MIAA na pansamantalang ihinto muna ang pagbabayad ng take off, landing, at parking fees sa mga local airlines dahil na rin sa banta ng COVID-19.
Ayon kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade, inatasan na nito ang Civil Aviation Authority of the Philippines at Manila International Airport Authority na huwag munang singilin sa take off, landing, at parking fees ang mga local airlines dahil sa malaking epekto ng kanilang negosyo bunsod na rin sa banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Paliwanag ni Tugade, ang naturang hakbang ng DOTr ay dahil na rin sa kumukonti na lamang ang sumasakay sa mga eroplano dahil sa takot na mahawaan ng kumakalat na COVID-19 kaya’t nalulugi na umano ang airlines industry.
Giit ng kalihim, pansamantala lamang ang kanilang nagiging desisyon dahil sa oras na bumuti na ang kalagayan sa airlines industry ay muling ibabalik nila ang pagbabayad sa take off, landing at parking fees sa mga local airlines.