Kinukonsidera ng Department of Transportation (DOTr) ang pagbubukas ng mas maraming bus stop para sa EDSA Busway bilang paghahanda sa pagsisimula ng klase sa Agosto 22.
Sa isang panayam, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na sa ngayon ay patuloy ang paghahanap nila ng iba pang pwedeng paghintuan ng mga bus.
Aniya, nakipagpulong na siya sa consortium na nag-o-operate ng EDSA Carousel at hiniling niya na magkaroon ng karagdagang mga bus sa darating na pasukan.
Dagdag pa ni Bautista, nagbukas na rin ang DOTr ng dalawang busway station sa Roxas Boulevard at Macapagal Avenue at nasa 400 units na ang dumadaan sa EDSA Busway.
Ayon pa kay Bautista, isinasaalang-alang din ng ahensya na magtayo ng bus terminal sa Caloocan City upang matugunan ang pagsisikip ng trapiko dahil sa mahabang pila ng mga bus.
Una nang siniguro ng DOTr na sapat ang mga pampublikong sasakyan para sa mga estudyante sa pagbubukas ng klase at sa harap ng planong pagbabalik ng full face-to-face classes sa Nobyembre.
Samantala, sa ngayon ay may 17 operational stations ang EDSA Busway kung saan pinapayagan ang mga bus na magsakay at magbaba ng mga pasahero.
Ang libreng sakay sa EDSA Busway ay magpapatuloy hanggang Disyembre 31.