
Nag-ikot at ininspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang ginagawang Drainage Project sa Taft Avenue sa Maynila.
Partikular sa pagitan ng Kalaw hanggang Ayala Blvd. northbound.
Ayon kay Sec. Dizon, target nila na mapalawak at maayos ang drainage sa magkabilang panig ng Taft Avenue sa susunod na taon.
Pero giit ng kalihim, kakailanganin ng higit ₱1.2 billion na pondo para maisakatuparan ito kung saan isa ito sa mga gagawan nila ng paraan upang hindi mahirapan ang publiko lalo na ang mga estudyante kapag bumabaha tuwing may ulan o bagyo.
Aniya, hindi siya pabor sa utay-utay na proyekto tulad ng halos 250 metro na drainage improvement project na ito na pinaglaanan ng ₱50 million.
Muling iginiit ni Sec. Dizon na sisikapin ng DPWH na matapos ang mga proyektong kanilang sinimulan maging ang mga natenggang pagsasa-ayos na pang-imprastraktura para sa kapakanan ng publiko.










