Nakatakda nang isalang sa inquest proceedings ang driver at pahinante ng isang oil tanker na nahuling may kargang smuggled na 30,000 liters ng diesel.
Ang naturang oil tanker ay nahuli sa Bataan makaraang mabigo ang mga pahinante na magpakita ng Withdrawal Certificate o anumang dokumentong magpapatunay na nagbayad ito ng excise at Value Added Tax (VAT).
Agad namang nakipag-ugnayan ang Bureau of Customs (BoC) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Field Inspection Unit na siyang nagsagawa ng inspeksyon.
Ang driver na si “Victor Legaspi” at pahinanteng si “Clinton Legaspi” ay nakakulong ngayon sa Mariveles Police Station habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa National Internal Revenue Code na ihahain sa Bataan Provincial Prosecutors Office.
Ang oil tanker naman ay nasa kustodiya ngayon ng pamunuan ng Port of Limay para isalang sa seizure proceedings batay sa umiiral na Customs Modernization and Tariff Act.