MAKATI CITY – Kumpirmadong gumagamit ng iligal na droga ang drayber ng jeepney na nang-araro sa ilang estudyanteng tumatawid sa pedestrian lane nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, nagpositibo sa isinagawang drug test ang suspek na si Crizaldy Tamporong.
Aniya, isasailalim ng awtoridad sa confirmatory test ang resultang lumabas.
Kapag positibo ulit si Tamporong sa naturang eksaminasyon, gagamitin raw ito ng awtoridad para masampahan siya ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
(BASAHIN: Mga estudyanteng tumatawid sa pedestrian lane, inararo ng jeepney)
Bukod dito, maari pang madagdagan ang reklamo sa suspek dahil natuklasang nagmamaneho pala ito nang walang lisensya.
Hindi pa daw natutubos ni Tamporong ang nakumpiskang lisensya matapos masangkot sa isang aksidente noong Setyembre 2019.
Kaya naman iniimbestigahan din ng pulisya ang operator ng jeepney kung bakit pinahintulutan siyang bumiyahe kahit walang driver’s license.
Nasa kostudiya ng Makati PNP ang drayber at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at homicide.