*Cauayan City, Isabela- *Umaasa ang bayan ng Luna na maideklara na bilang Drug Cleared municipality sa buong Lalawigan ngayong taon.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Police Executive Master Sergeant Leilanie Corpuz, MESPO ng PNP Luna, mula sa 19 barangay na sakop ng Luna ay lima (5) rito ang naideklarang Drug Free, labing dalawa (12) ang Drug Cleared habang ang natitirang dalawang (2) barangay ay kasalukuyan pang sinisiyasat ng PDEA.
Inaasahan na bago magtapos ang kasalukuyang buwan ng Septyembre o sa mga susunod na buwan ng taong kasalukuyan ay maideklara na bilang Drug Cleared Municipality ang bayan ng Luna.
Paliwanag ni Police Executive Master Sergeant Corpuz, naudlot lamang ang kanilang deklarasyon dahil sa isang nakaligtaang pirma sa kanilang mga isinumiteng dokumento sa PDEA.
Samantala, sa kabuuang 112 tokhang responders na sumailalim sa Community Based Rehabilitation Wellness Program ng PNP Luna ay nakapagtapos na ang 100 habang ang 12 responders ay hindi na nanunuluyan sa nasabing bayan.
Kaugnay nito, puspusan pa rin ang kanilang pagsasagawa ng seminar at drug symposium sa mga eskwelahan at nasasakupang barangay katuwang ang mga brgy officials at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) upang mabantayang maigi ang kanilang lugar.