Drug den sa Pasig, sinalakay ng mga otoridad; 8 suspek, arestado

Sinalakay ng mga otoridad kaninang madaling araw ang isang bahay sa Pasig City na ginagamit umanong drug den.

Dahil dito, arestado ang walong suspek na sina Camilo Abadillo Retaga, Carlito Consensuno Rivera, Jeffrey Atienza Rivera, Bernard Puyawan Sanchez, Darwon Apawan Lagao, at Domingo Auren Duazo.

Kasama rin sa hinuli ang dalawang babaeng sina Carmen Corsales Lacuesta at Amy Blanco Peruda.


Batay sa ulat ng Pasig City Philippine National Police (PNP), may concerned citizen na nagsumbong tungkol sa iligal na gawain na kaugnay sa ipinagbabawal na droga sa Block 12 Lot 2, Villa Patukod Street, Nagpayong 1, Barangay Pinagbuhatan, Lungsod ng Pasig.

Kaya naman dali-daling nagsagawa ng raid operation ang Pasig PNP pasado alas-12:30 kaninang madaling araw.

Naaktuhan din ng mga pulis ang ilang mga suspek na nagpa-pot session at ang iba naman ay nagbebentahan ng iligal na droga.

Nakuha mula sa mga suspek ang labing-pitong maliliit na plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalia.

Nakakulong na ang mga suspek sa Pasig PNP Custodial Facility at nahaharap sila sa kasong paglabag sa Anti-Illegal Drugs Act of 2002.

Facebook Comments