Ayon kay Senator Imee Marcos, ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dry run para sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes ay unang hakbang pa lamang.
Diin ni Marcos, mabusisi at mahaba-haba pa ang proseso para rito pero ang mahalaga ay may go-signal na ang pangulo.
Sa nakikita ni Marcos ay magiging pa-isa-isa at hindi sabay-sabay ang pagbukas ng 120 paaralang tinitingnan ngayon ng Department of Education (DepEd) para sa pilot testing ng face-to-face classes.
Paliwanag ni Marcos, kailangan pa kasing sumang-ayon ang mga Local Government Unit (LGU) kung aling mga paaralan ang lalahok sa pilot testing.
Dagdag pa ni Marcos, ang lahat ng mga magulang ay kailangan ding hingan ng permiso dahil hindi compulsory o pipilitin ang mga ito.
Bukod pa sa kailangan pang masiguro ng bawat paaralan kung ilang estudyante ba talaga ang lalahok, kailangan ding ayusin ang scheduling ng mga klase, pati ang bagong paglatag ng mga classroom.
Sinabi ng senador na kailangan pang mahanapan ng gagawin ang mga teacher na nasa 65 taong gulang kung hindi sila papayagang makalahok sa face-to-face classes.