Dry run para sa Tricycle Ban, Ipatutupad sa Tabuk City

Cauayan City, Isabela-Magsasagawa ng dry run para sa pagbabawal sa mga tricycle sa ilang pambansang lansangan ng Tabuk City, Kalinga sa darating na March 8-12, 2021.

Ito ay base sa Memorandum Circular (MC) 2020-036 ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa istriktong pagpapatupad ng tricycle ban, pedicabs at motorized pedicabs sa mga pambansang lansangan.

Kaugnay nito, inaasahang pupulungin ni Tabuk City Mayor Darwin Estrañero ang mga tricycle association para sa nasabing kautusan.


Ayon sa alkalde, ang mga tricycle sa barangay na walang alternatibong ruta ay papayagang pumasada sa mga national highway.

Ilan sa mga barangay na maaring makadaan sa pambansang lansangan ay ang Agbannawag, Lacnog, Nambaran, Calanan, Bado Dangwa, Bagumbayan, Naneng, at mga barangay na nasasakop ng Chico line.

Ipupwesto naman ang mga checkpoint sa Bulanao at Dagupan upang ipatupad ang pagbabawal sa mga tricycle at masigurong nasa outerlane lang ang mga ito.

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng MC 2020-036, lilikha naman ng task force ang lokal na pamahalaan na pangungunahan ni Mayor Estrañero na tatayong Chairperson at Public Order and Safety Office bilang vice-chairperson.

Facebook Comments