DSWD: Cash assistance, hindi maaaring ipagkait sa pamilya ng mga manginginom at sugarol

Iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi tatanggalin sa listahan ng mga benepisyaryo ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) ang mga taong ginagastos ang cash assistance para ipangsugal at ipambili ng alak.

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, bagama’t nakakalungkot na may mga taong nilulustay ang pera sa ilegal na gawain, hindi pa rin ito makakaapekto sa ibang miyembro ng pamilyang nangangailangan.

Sa mga benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer program para sa mga mahihirap na pamilyang makakatanggap din ng SAP aid pero gagamitin lang din ang ayuda sa bisyo at iba pang ilegal na aktibidad, sinabi ni Bautista na isasailalim sila sa sessions kasama ang mga case management officer.


Umapela si Bautista sa mga benepisyaryo na gastusin sa tamang paraan ang cash assistance na ibinibigay ng pamahalaan tulad ng pagbili ng pagkain at iba pang basic necessities.

Facebook Comments