Umapela ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na ihinto na ang pamamahiya at pagkondena sa anak ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca dahil mas magdudulot lamang ito ng panganib sa bata.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, nakakalungkot man ang insidente ay dapat hindi na idamay pa ang anak sa pangungutya at panlalait.
Dapat maintindihan ng publiko ang kakayahan ng anak ni Nuezca na kontrolin ang kanyang emosyon lalo na at bata pa ito.
Pero sinabi rin ni Dumlao na tila normal sa anak ni Nuezca na makakita ng pag-aabusong ginagawa ng pulis.
Aniya, mahalaga ang psychosocial intervention para sa bata at iba pang nakakita sa pangyayari.
Ang DSWD Region 3 ay nagbigay na ng psychological support at debriefing hindi lamang sa anak ni Nuezca kundi maging sa iba pang mga bata at matatanda na nakasaksi sa insidente.