
Nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makipag-coordinate sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) upang makapagbigay ng direksyon sa mas mahusay na mekanismo sa pamamahagi ng centenarian cash incentives.
Ayon kay Asst. Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, mahigpit silang nakikipa-coordinate ngayon sa NCSC lalo pa at nasa ilalim na ng pagsubaybay na nila ang naturang tanggapan.
Makapagrekomenda aniya sila ng mga mekanismo na kanilang naunang ginamit noon sa pamamahagi ng cash gifts sa mga elderly sectors.
Nauna rito, pumalag ang NCSC sa mga paratang na hindi ginagampanan ng ahensiya ang trabaho nito.
Ipinaliwanag ni Dumlao na mayroong database ang DSWD kung kayat bago pa man mag apply ang mga seniors ay alam na nila kung sino ang aabot na sa 100 years old.
Irerebyu din nila ang mga istratehiya upang mabigyan ng direksyon ang NCSC upang matiyak na di na mauulit ang mga sumulpot na isyu .
Patuloy din na makikipag-coordinate ang ahensya sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng mga local government units (LGUs) upang matiyak na maagang matatanggap ng mga centenarians ang kanilang cash incentives.










