Humingi ng paumanhin si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo sa mga guro na aniya’y nasaktan sa naging pahayag niya hinggil sa hindi pagpapaubaya sa mga eskwelahan sa pamamahagi ng educational assistance.
Matatandaang pinuna kamakailan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang pahayag ng kalihim na maaaring paboran ng ilang guro ang kanilang kaanak kapag isinama sila sa distribusyon ng student cash aid.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Tulfo na hindi niya intensyon na ipahiya o iparamdam sa mga guro na hindi sila pinagkakatiwalaan ng ahensya.
Katunayan, nais lamang niyang iiwas ang mga guro sa mga akusasyong namimili sila ng mga benepisyaryo.
“Sa press conference po sa Malacañang last week, natanong ako kung bakit hindi ibinaba sa mga eskwelahan. Binigyan ko po ng apat na punto. Ang isang punto, security reason; pangalawa, baka maubos ang oras ng mga teacher natin sap ag-distribute; pangatlo, wala silang mga vault, ‘pag sumobra po, sa’n ilalagay yung pera ng mga teacher, baka maransak at pang-apat sabi ko, baka mapag-isipan nang masama ang ating mga guro, sabihin namimili. Medyo hindi po nagustuhan yata ng mga guro natin ‘yon,” ani Tulfo sa panayam ng RMN DZXL 558.
“Hindi po ganon ang ibig kong sabihin na huwag pagkatiwalaan. Ang sinasabi ko lamang po ay baka mapag-isipan po ang mga guro natin na mamimili, ng mga bibigyan ng ayuda. So sabi ko, iiwas po muna natin ang mga guro,” paliwanag ng kalihim.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin kung medyo taken out of context at medyo nasakatan po ang ating mga teachers. I am very sorry po,” dagdag niya.
Bukod dito, nag-sorry rin ang kalihim sa mga miyembro ng League of Provinces of the Philippines (LPP).
“Medyo nagalit din ho sa akin kasi sabi, nasabi raw na wala akong tiwala sa LGU. Hindi po sa LGU mga Sir, mga governor at sa mga mayor. Ang sabi ko po, doon po sa baba sa barangay level. Kasi nagkaproblema po tayo dun sa unang distribution ng SAP. Reklamo po ng mga kababayan na namimili po ang ating mga barangay leaders kaya po iniwas natin kaya hanggang dito tayo sa munisipyo na lang. Pero never po akong nagsabi na wala po akong tiwala, baka nakawain po ng mga LGU natin, hindi po,” giit pa ni Tulfo.