Pinangalanan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang iba pang kasabwat ng naarestong miyembro ng sindikato na nasa likod ng modus na nangongolekta ng pera sa mga gustong mapasama sa listahan na makatatanggap ng ayuda mula sa DSWD.
Ayon kay Tulfo, inginuso ng arestadong si Jhon Carl Mendoza alyas “Jay Lagrimas” ang mga kasabwat niya sa pangii-scam.
Kabilang sa mga ito ay nakapambiktima rin sa Luzon partikular sa Metro Manila.
Kinabibilangan ito ng isang Henry Saguiwalo a.k.a “Jeffrey” na taga Paranaque City at nagsisilbing accountant/collector/cashier/finance Head ng kanilang grupo.
Tinukoy rin ng Kalihim sina Aracelli at Bebot Agustin na taga-Tondo, Manila, Robert Mejas at Shane Acedera na residente ng Caloocan City.
Ani Tulfo, abot sa 14 -M ang kabuuang natangay ng suspek mula nang magsimula nang mang- scam ito kabilang na ang mga nabiktima sa Luzon.
Payo ni Tulfo sa ibang nabiktima ng suspek na makipag-ugnayan sa awtoridad at sa DSWD para sa pagsasampa ng kaso.