Hindi pa kinakansela ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang second tranche ng cash subsidy sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa mga lugar na nakatakdang ilagay sa General Community Quarantine (GCQ).
Ito ay kahit pa inanunsyo noong Martes ng Malakanyang na hindi na makakatanggap ng ikalawang bugso ng ayuda ang mga residente sa mga lugar na nasa GCQ.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni DSWD Undersecretary Rene Glen Paje na hinihintay pa nila ang pormal na direktiba mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte na nag-aatas para ihinto na ang pamimigay ng financial assistance sa mga GCQ areas.
Batay sa tala ng DSWD, umabot na sa 93.6 billion pesos ang na-disburse nilang pondo para sa SAP.
Ayon kay Paje, ito ay katumbas ng 16.6 milyon na pamilya na ang tumanggap ng cash assistance mula sa 18-million target beneficiaries.
Kasunod nito ay humingi ng pang-unawa si Paje sa mga pamilya, partikular sa mga hindi napasama sa listahan pero karapat-dapat na makatanggap.
Aniya, maaring umapela ang mga ito upang magawan ng solusyon ang kanilang hinaing.