Isa-isang pinuntahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang tindahan ng medical supplies sa Sta. Cruz sa Lungsod ng Maynila.
Ito’y para inspeksyunin at i-monitor ang presyo gayundin ang suplay ng mga face shield.
Mismong si DTI-Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo ang umikot sa ilang tindahan ng medical supplies sa may area ng Bambang kung saan ipinaalala niya sa mga ito ang tamang presyo ng mga face shield.
Bagamat hindi pa inaanunsyo ang opisyal na Suggested Retail Price (SRP) ng mga face shield, hindi dapat ito lalagpas ng P50. 00 pero depende ito sa klase, disenyo at materyal na ginagamit.
Ang mga basic face shield naman na gawa sa acetate ay dapat na nasa P25.00 hanggang P30.00 ang halaga.
May ilang tindahang nasita ang DTI kung saan nasa P65. 00 ang presyo kada isang piraso ng ordinaryong face shield pero paliwanag ng may-ari na ibang uri ng materyales ang kanilang ginamit.
Bukod dito, sinabi ng DTI na handa silang papanagutin ang mga sangkot sa profiteering at hoarding ng mga face shield lalo na’t hindi ito nararapat gawin sa gitna ng COVID-19 pandemic na nararanasan sa bansa.