
Umaasa si Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Roque na maibaba ang ipinapataw na taripa sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas sa United States sa nakatakdang bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Donald Trump sa Nobyembre 18.
Ayon kay Roque, layunin nitong mapalawak ang exports ng Pilipinas hindi lamang sa Amerika kundi maging sa iba pang pandaigdigang merkado.
Mula noong Hulyo ngayong taon, nasa 12.5 percent na ang taripa sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas sa US, mula sa dating 10 percent, kasunod ng hakbang ng administrasyong Trump kaugnay ng alegasyon ng paggamit ng sapilitang paggawa o forced labor sa bansa.
Bilang tugon, naglabas noong Hulyo ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Finance (DOF) ng Joint Administrative Order na nagbabawal sa paggawa ng mga produktong gumagamit ng forced labor.
Ayon kay Roque, naipadala na rin sa US Trade Representative ang kopya ng nasabing kautusan.
Iginiit naman ng kalihim na walang sapilitang paggawa at child labor sa Pilipinas.
Gayunman, hindi muna nagbigay ng detalye si Roque kung ano ang posibleng maging resulta ng pag-uusap ng dalawang bansa at hiniling na hintayin ang Nobyembre 18 para sa magiging developments sa usapin.










